Bituing marikit sa pisngi ng langit
Sinusungkit ng titig ng munting batang
Nangangarap ng hamon
Bituing marikit sa pisngi ng langit
Dumungaw sa bintana ng dampang tahanan
Binati ng ngiti ng abang maybahay
Na matiyagang nagpapahimbing
Sa anak niyang sanggol
Bituing marikit ay gintong pangarap
Na nakasabit sa alapaap
Tanglaw ng mga tumatawid
Sa ilog ng karukhaan
Bituing marikit sa pisngi ng langit
Tinitingala ng manggagawang
Magdamagang nagbabanat ng buto
Nagpupunla ng pawis upang maabot ang bituin
Sa ngalan ng mag-anak
Bituing marikit ay gintong pangarap
Na nakasabit sa alapaap
Tanglaw ng mga tumatawid
Sa ilog ng karukhaan