
时间:2022-08-12
在手机上保存,获得更好体验
Lunggati mo ay maging pataba.
Kawawang inang, dahop at kapos.
Ani mo, itanim ka sa lupa.
Pati sariling tawag — limot na;
Napawi na rin maski ang anyos.
Lunggati mo ay maging pataba.
Tila amoy bakal ang hininga.
Punò ng muta, walang hilamos.
Ani mo, itanim ka sa lupa.
Marupok na ang ‘yong mga sanga;
May lagatok sa kada pagkilos.
Lunggati mo ay maging pataba.
Lagi namang butas ang sikmura;
Maraming araw ang 'di naraos.
Ani mo, itanim ka sa lupa.
Bilin mong 'wag kang ilibing, ina;
Tutupdin ko sa iyong paghipos.
Lunggati mo ay maging pataba;
Teka, wala pala tayong lupa.